Hinaing

Naisipan kong buksan ang aking kaunaunahang email address na ginamit. Huli ko itong binuksan mahigit dalawang taon na ang nakakaraan. Nangiti ako nang makita ko ang isang email na pinadala ko sa aking sariling email address. Ang email ay may petsang ika-7 ng Mayo, 2007. Nakapaloob sa email ang isang tulang sinulat ko noon at pinamagatang “Hinaing”.

 

Mga bulag, kayo sa akin ay tumingin,

Kayong mga bingi, ako ay dinggin;

Ihahayag ko ang mga hinagpis,

Durog na puso ko’y puno ng hapis.

 

Ako’y magsasaka sa kabukiran,

Nakabilad sa araw maghapon ang katawan;

Ani ko’y gutom ninyo’y pinapawi,

Bakit wala akong lupang pag-aari?

 

Ako’y mangingisda sa gitna ng dagat,

Naglalambat ako sa buong magdamag;

Isda kong huli inyong kinakain,

Bakit sardinas hindi ko kayang bilihin?

 

Kayong mga bingi, ako ay dinggin,

Tunay na kalayaan nais kong kamtin;

Kayong mga bulag, sa akin ay tumingin,

Posas ng kahirapan nais kong kalasin.

 

Ako’y manggagawa sa pabrika,

Gawain ko dito’y iba-iba;

Mga bagay ako ang bumubuo,

Bakit laging ‘di sapat ang sahod ko?

 

Ako’y nagtatrabaho bilang tindera,

Maghapong nakatayo, binti’y nananakit;

Kontrata ko matatapos sa isang lingo,

Bakit sa trabaho ‘di ako nakakaseguro?

 

Bigyan ako tunay na kalayaan,

Alisin ang posas ng kahirapan;

Ito ang aking hinagpis,

Puhunan ko’y dugo at pawis.

 

Ako’y isang bata sa lansangan,

Malamig na semento ang aking tulugan;

Pasahero sa jip sapatos pinupunasan,

Anong bukas kaya ang patutunguhan?

 

 

 

 

Ako’y mag-aaral sa paaralan,

Nagsisikap makamtan ang kaalaman;

Mga bayarin patuloy na nagtataasan,

Bakit edukasyon pribelehiyo na, hindi karapatan?

 

Ako’y mga mamamayan nitong ating bayan,

Tamang buwis pilit na binayaran;

Sabi kalahati nito napupunta sa kawatan,

Bakit may mga gahaman sa pamahalaan?

 

Kayong mga bingi, ako ba’y naririnig?

Kayong mga bulag, ako ba’y nakikita?

Kung oo, sumamo ko…

Pakiusap, palayain ako!