Ewan ko kung bakit pero bigla ko na lang naisipang buklatin ang aking mga lumang gamit ko noong college pa ako. Natuwa ako ng makita ko ang ilan sa mga sinulat ko noong panahong ako pa ay nag-aaral.
Nakagawian ko noong maglakad mula Intramuros hanggang Luneta tuwing gabi bago ako umuwi pagkatapos ng klase. Isang gabi, naupo ako sa gilid ng “Relief Map of the Philippines” at sumulat ng isa tula tungkol sa mga nakita ko nang gabing iyon. Naririto ang tulang sinulat ko humigit-kumulang apat na taon na ang nakakaraan.
“Minsang nilibot ko ang buong Pilipinas”
Isang gabi ako’y walang magawa,
Waring naiinip sa tadhana,
Paglalakbay ay naisipan;
Libutin malawak na kapuluan
Ako ay nagsimula sa Timog Kanluran,
Dalawang babae aking namasdan;
Mga nakaupo sa sementong upuan
Suot nila’y maaiksi
Damit nila’y puro hapit,
Animo’y tela pinagkait
Nagpatuloy asko sa Silangan,
Doon isang babae ang namataan;
Siya’y nilapitan ng dalawang kalalakihan,
Agad niyang inakbayan
At siya’y hinawakan sa baywang
Lumiko ako pahilaga,
At doon ko napansin,
Isanag lalaking dayuhan;
Nakasandal sa bakod ng kapuluan.
Kausap niya’y dalawang kababaihan,
Sila’y pawang naglalambingan
Sa banda roon may nakahigang lalaki,
Sa malamig na semento nahihimbing.
Suot niya’y damit na dungisin,
Buhok magulo, hindi nasusuklay;
Malawak na parke ang kanyang bahay
Narating ko ang dulong Hilaga,
Doon may babae’t lalaki nagyayakapan,
Di nila pinapansin;
Maraming matang nakatingin
Tinungo ko ang Hilagang-kanluran,
Apat na kabataang wala pa sa gulang,
Masayang nagkukuwentuhan;
Isang yosi pinagpapasapasahan
Ako ay tumigil
Tumingin sa kapaligiran
Aking namasdan
Tuyot ang paligid
Ng nababakurang kapuluan
Nang ako ay bumalik
Sa dating kinatatayuan,
Naroon pa rin ang dalawang kababaihan
Na una kong namataan,
Nag-aayos ng mukha sa muting salamin
Sa tanglaw ng karampot na liwanag sa dilim
Maya-maya pa sila’y tumayo;
Sa nakatigil na kotse sila ay lumapit,
Ilang sandali at sila’y bumalik;
“Bakla pala ang hanap”, aking narinig
Isang gabing nilibot ko ang Pilipinas,
Kaydami ng aking nasaksihan,
Samu’t saring tao ang namasdan;
At dito ko napatunayan
Sa panahon ng tagtuyot at kahirapan,
Patalim talagang nahahawakan